Hindi nagbabago ang posisyon ni Pangulong Bongbong Marcos sa nauna nitong pahayag na hindi nito kinilala ang hurisdiksyon ng International Criminal Court o ICC sa Pilipinas.
Sa ambush interview sa Pangulo, mariin nitong sinabi na kahit maglabas ng maraming ebidensya ang ICC patungkol sa mga paglabag sa human rights ng dating administrasyon, hindi nila ito maaaring maimplementa sa bansa.
Binigyang diin ng Punong Ehekutibo na hindi ito tungkol sa ebidensya kundi sa usapin ng hurisdiksyon ng ICC.
Subalit paglilinaw ng Presidente, maaari pa ring pumasok sa Pilipinas ang mga ICC investigator dahil isa tayong bukas na bansa, pero sa oras na gumawa sila ng illegal na hakbang, tinitiyak ni Pangulong Marcos na aaksyunan ito ng pamahalaan.
Samantala ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos matanong hinggil sa lumabas na survey sa OCTA Research na 55% ng mga Pilipino ay pabor na makipag tulungan ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.