Hinuli ng mga tauhan ng PNP at Bantay Dagat ang hindi bababa sa sampung mangingisda matapos umanong maaktuhang iligal na nangingisda sa loob ng Municipal Water sa Barangay Lanot, Mercedes, Camarines Norte dakong alas 11 ng hatinggabi kagabi.
Ang mga nahuling mangingisda ay sakay ng FB Arabia na pag aari ng isang nagngangalang Sheryl Fernandez na taga Zone 4, Sabang, Calabanga Camarines Sur.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet kay Mayor Alexander Pajarillo inihayag nito na ang nahuling bangka ay isang uri ng trawl
Sa ilalim ng batas pinapayagan o binibigyan ng permit ang trawl fishing basta sa labas ng 15 kilometer municipal water.
Hindi bababa sa sampung banyerang dilis ang nakumpiska sa naturang operasyon na ipinamigay sa mga residente makaraang maidokumento.
Ayon kay Pajarillo matagal na umano itong inirereklamo ng mga residente sa coastal Barangays dahil sa perwisyong idinudulot nito sa mga maliliit na mangingisda.
“Well alam mo matagal na itong reklamo ng ating mga kababayan diyan sa Barangay Lanot, Lalawigan, Colasi, Tarum, ito ay talagang perwisyo sa kanila at ito ay matagal nang hinaing kaya ito ay ating pinagsusumikapan na ito ay mahuli,” ani Pajarillo.
“Sabi nga ng mga kababayn natin sa nabanggit na lugar ay lantaran na nga yung mga taga Cam Sur dito kung mamalakaya, kahit nila sabihan na umalis eh sila pa yung pinapaalis.”
Nagbabala rin ang Alkalde sa mga patuloy pa ring gumagawa ng iligal na tigilan na ito dahil mayroong ordinansa sa naturang bayan na may mahigpit na probisyon.
Sa ilalim umano ng Municipal Ordinance No 159, maaaring hulihin ang mga malalaking commercial fishing vessel kahit wala itong ginagawa basta nag iingat ng mga iligal na gamit sa pangingisda at nasa loob ng Municipal Water.
Kasong paglabag naman sa Philippine Fisheries Code ang maaaring kaharapin ng mga nahuling mangingisda.
