KORONADAL CITY- AABOT sa 98,906 na mga pamilya sa region 12 ang posibleng maisama sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ngayong taon.
Ito ay batay sa datos na ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Central Office sa pamamagitan ng National Household Targeting System o Listahanan.
Inihayag ni Maria Catherine Ladrillono, Systems Coordinator ng 4Ps na ngayong Agosto, target nilang maisailalim sa validation ang nasabing bilang ng mga mahihirap na pamilya upang mapabilang sa listahan ng mga 4Ps beneficiaries at mabigyan ng health and educational subsidy bago matapos ang taon.
Sa Soccsksargen, may pinakamaraming mga mahihirap na pamilya ang Cotabato province na umabot sa 28,323; Sultan Kudarat na may 20,907; South Cotabato – 19,573; Sarangani – 17,627; at General Santos City na may 12,476.
