CAMARINES NORTE – Nagsagawa ng pagbabakuna ang Provincial Veterinary Office (ProVet) sa hindi bababa sa 200 aso at pusa sa Barangay San Roque sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Bahagi ito ng kampanya ng ahensiya kontra rabies katuwang ang Lokal na Pamahalaan sa pamamagitan naman ng Municipal Agriculture Office (MAO) ngayong Rabies Awareness Month.
Ayon sa Municipal Information Office ng Mercedes libreng ibinibigay ang bakuna kontra rabies sa mga alagang aso at pusa.
Magpapatuloy ang bakunahan at pagsagip ng mga aso sa iba pang mga barangay ng naturang bayan.
Mababatid na batay sa tala ng Provincial Health Office, ay tumaas ang kaso ng animal bite sa Camarines Norte na umabot sa 16, 234 noong 2023 na pinakamataas sa nakalipas na apat na taon.
Noong 2022 nakapagtala ang lalawigan ng nasa 11, 609 animal bite cases na mas mataas din sa 9, 941 noong 2021 at sa 6, 392 noong 2020.
Ang Rabies ay isang mapanganib na sakit na nakakahawa at nakakamatay. Ito ay sanhi ng mikrobyong nakukuha sa laway ng hayop na may rabies tulad ng aso, pusa, unggoy at iba pa.
Nalilipat ito sa tao sa pamamagitan ng kagat ng hayop na may rabies.
Hinimok naman ni Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco ang mga LGU na paigtingin ang kampanya kontra rabies at rebisahin ang umiiral na ordinansa kung kinakailangan.
Nakatutok din aniya dito ang PHO dahil ayaw na nito na tumaas pa ang mga kaso ng rabies.
Nito lang Pebrero ay naitala ng PHO ang dalawang kaso ng pagkamatay na hinihinalang dahil sa rabies.
