Aminado ang 2016 Rio Games silver medalist na si Hidilyn Diaz na mahalaga para sa kaniya ang suporta ng mga tao habang naghahanda siya para sa Tokyo Olympics ngayong taon.
Ayon sa Pinay weightlifting star, kung gagawin niya ang lahat ng trabaho, ay posibleng maubos ang oras niya sa kaka-research kung paano mapapaunlad ang kakayahan niya sa naturang sport.
Iginiit ni Diaz na hindi siya tatagal sa kaniyang pagsasanay sa gitna ng COVID-19 pandemic kung wala ang suporta ng kaniyang Team HD, na kinabibilangan ni Chinese coach Kaiwen Gao, strength and conditioning mentor Julius Naranjo, sports nutritionist Jeaneth Aro, at sports psychologist Dr. Karen Trinidad.

Matatandaan na naantala ang pagsabak ni Diaz sa Tokyo 2020 dahil sa COVID-19 pandemic, na dahilan naman upang ma-stranded siya sa Malaysia kasama ang kaniyang mga coach na sina Gao at Naranjo.
Pero sa kabila ng sitwasyon, ay nagawa ni Hidilyn na ituloy ang kaniyang training kahit meron lockdown at mapag-aralan ang kaniyang mga karibal mula sa China, Uzbekistan, Turkmenistan, Ukraine, at Japan.
Mababatid na magsisimula ang Olympic weightlifting events sa July 24 ngunit aaksyon lamang si Diaz makalipas ang dalawang araw o sa July 26 sa women’s 55 kg, na nag-iisang event para sa weightlifting sa nasabing araw.