Nagbanta ang mga health workers na magsasagawa sila ng malawakang protesta laban sa gobyerno kung di pa ire-release ng Department of Health 8DOH) ang matagal na nilang hinihiling na benepisyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Alliance of Health Workers (AHW) national president Robert Mendoza, nagpa-plano na ang mga health workers mula public at private sector na magsagawa ng protesta.
Sinabi pa ni Jao Clumia, presidente ng St. Luke’s Medical Center Quezon City Employees Association na kakausapin nila ang ibang health workers sa buong bansa na sumama sa rally.
Sa kabila nito, tiniyak naman ng AHW sa publiko na mananatili ang skeletal workforce sa mga ospital para matiyak na mayroon pa ring magseserbisyo.
Dagdag naman ni Clumia, di nila itutuloy ang mass action kapag natugunan na ng pamahalaan ang kanilang concerns.
Mababatid na makailang ulit nang nanawagan sa DOH ang mga health workers na nag-aalaga ng COVID-19 patients na ilabas na ang kanilang benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 2 law, na napaso noong June 30.