Health Experts, hati ang reaksyon sa mask mandate relaxation

Hindi na muna kailangan pang magpalit ng pamantayan ang Health officials hingggil sa masking mandate at protocols sa bansa.

Ito ang tugon ni Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa mungkahi ng OCTA Research na magkaroon ng ‘triggers’ o ‘parameters’ para maging batayan ng Gobyerno para muling ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face masks sa mga outdoor areas.

Sa ngayon daw kasi ay mayroon pa namang umiiral na mga alert levels pero tiniyak na magkakaroon pa rin ng mga masusing pag-aaral sa lahat ng mga polisiyang ipatutupad ng Pamahalaan.

Sinabi rin ni Vergeire na hindi na muna pumabor si Pangulong Bongbong Marcos na i-redefine na ang kahulugan ng ‘fully-vaccinated’ para maisama na rin ang booster dose maliban sa primary series.

Umaasa naman ang Health official na magtutuloy-tuloy ang maayos na implementasyon ng Executive Order No. 3.

Aniya, mukhang maganda naman daw ang personal niyang assessment sa unang araw ng pagluluwag ng mask mandate.

Bagamat mayroon na umanong mga hindi na nagfe-face mask sa mga open spaces, may ilan pa ring piniling magsuot nito para maproteksyunan ang kanilang mga sarili.

Health Experts, hati ang reaksyon

Hati ang naging reaksyon ng ilang mga health experts hinggil sa Executive Order No. 3, ‘o ‘yung pagiging ‘boluntaryo’ ng pagsusuot ng face masks sa mga outdoor areas at mga open spaces na mayroong magandang bentilasyon.

Ikinalulungkot umano ni Philippine College of Physicians former president Dr. Maricar Limpin ang naturang pasya ng Gobyerno sapagkat maaaring mapataas muli ang tyansa ng infection lalo na’t balik na ang face-to-face classes.

Read More:  Marcos rejects claim flood control cases target Senate majority

Pinangangambahan umano nila na baka dmami pang muli ang magkakaroon ng COVID-19 dahil sa pagluluwag ng mask mandate.

Hinikayat naman ni Private Hospitals Association of the Philippines President Dr. Jose Rene de Grano ang publiko na hanggat maaari ay magsuot pa rin ng face masks kung kakayanin.

Aniya, hindi pa rin alam ng publiko kung sino ang nakakasalamuha’t nakakasalubong nila.

Dahil dito, maaari umanong mayroong makasalamuhang may virus at maging carrier na rin ang isang indibidwal pag-uwi nila sa kanilang tahanan.

Sinabi naman ni dating NTF vs COVID-19 adviser Dr. Tony Leachon na bagamat suportado nila ang order, mas maganda pa rin kung mapataas ang booster vaccination lalo na’t ang Pilipinas ang mayroong pinakamababang booster turnout sa Southeast Asia.

Para naman kay infectious diseases expert Dr. Edsel Salvaña, maituturing umano itong tagumpay basta ba’t mapatataas pa rin ang booster coverage ng publiko.

Sa katunayan, kung magiging matagumpay pa nga raw ang liberalization ng mask mandate sa mga outdoor areas ay maaari na rin itong aralin para sa mga indoor spaces.

Sa ngayon, ang pinakamahalaga pa rin umano ay mapataas ang booster turnout.

Posible rin umanog tumaas muli ang mga kaso nito sa bansa.

Gayunman, naniniwala si Salvaña na kung tataas man muli ang COVID-19 cases hindi na magkakaroon ng maraming severe at critical cases at hindi aniya ma-o-overwhelm ang healthcare system dahil na rin sa mataas na vaccination rate.

Read More:  OCTA Survey: Majority of Filipinos Support Impeachment Trial of VP Sara Duterte

Ayon sa health expert, hindi niya tinututulan ang bagong polisiya na ito lalo na’t para sa kanya ay kailangan nang mag-adopt ng bansa sa tinatawag na new normal.

Kailangan din aniyang makita ang resulta ng polisiyang ito para magkaroon ng ‘calibrated response’ ang bansa kasabay ng pagiging endemic ng COVID-19.

Sa ngayon, umaasa si Salvaña na ipagpapatuloy pa rin ng publiko ang pagsusuot ng facemask, dahil mas maigi pa rin aniya ang may proteksyon.

Liga ng mga Lalawigan, DOT, hindi umaasang tataas ang COVID-19 cases

Wi-nelcome ng mga local chief executivies ang naging order na pagluluwag ng mask mandate sa bansa.

Ayon sa tagapangulo ng League of Provinces of the Philippines na si Gov. Reynaldo Tamayo, naniniwalang silang hindi magdudulot ng muling pagsirit sa mga kaso ng COVID-19 sa bansa ang optional na mask wearing.

Umaasa’t nagtitiwala umano sila sa naging pasya ng Gobyerno at mga rekumendasyon ng mga eksperto.

Ngayon, bagamat may naitatala pa ring mga COVID-19 cases, sinabi ni Tamayo na mga mild cases lang naman ito at mababa rin ang mga severe cases.

Samantala, aprub din para kay Tourism Secretary Christina Frasco ang EO NO. 3 ng Pangulong Bongbong Marcos.

Aniya, maganda itong senyales sa buong mundo para masabing bukas nang muli ang Pilipinas para tumanggap ng mga turista.

Ayon kay Frasco – ang naging desisyon ng pamahalaan ay magandang balanse para maprotektahan ang kalusugan ng mga Pilipino, at gayundin ang kanilang mga pangkabuhayan.
#