BICOL—Umaabot na sa halos P10 million na halaga ng asistensya ang inilaan ng Public Employment Services Office (PESO) ng lungsod ng Legazpi para sa mga displaced disadvantaged workers.
Ipinapasailalim ito sa TUPAD BKBK ng Department of Labor ang Employment (DOLE).
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Diosdado Rañeses, PESO Manager sa lungsod, kabilang sa mga naayudahan ay ang mga street vendors, mga barbero, mga nakikilabada o iyong mga displaced workers na walang employee – employer relations kaya’t hindi sakop ng ayuda mula sa CAMP at iba pang asistensya ng gobyerno ngayong pandemya.
Anya, P7 million ang unang pondong naibaba sa kanila noong nakaraang taon kung saan nasa 2,245 beneficiaries ang naayudahan sa pamamagitan ng TUPAD.
Mula naman Marso hanggang Abril 2021, nasa 95 benepisyaryo ang nabigyan ng ayuda mula sa aabot sa P500,000 na grant ng isang senador at 383 beneficiaries naman ang natulungan sa halos P2 million na grant na ibinigay din ng isa pang senador.
Sa ngayon, nasa P850,000 pa ang pinakahuling pondong kanilang natanggap at ipinamamahagi pa.
Nilinaw naman ni Rañeses na hindi pare-pareho natatanggap ng mga benepisyaryo dahil magdedepende ito sa bilang ng araw ng trabaho base sa implementing rules ng DOLE.
Maaari anyang 15 araw at binabayaran ng minimum na P310 kada araw kung kaya nasa P4,650 ang kanilang matatanggap habang mayroon namang nasa 16 days 32 minutes ang work days kung kaya umabot ng P5000 ang nakuhang sahod.
Ang sistema umano nito, bawat grant o pondong dumarating ay downloaded nila sa DOLE para sa programa at base sa implementing rules ng ahensya ang implementasyon nito.### || slm, with reports from BNFM Legazpi