CAMARINES NORTE- Isinagawa kahapon ang Ground Breaking Ceremony sa Pipe Laying Extension/ Interlooping Line project ng Primewater at Camarines Norte Water District mula sa Barangay Daculang Bolo, San Lorenzo Ruiz patungong Barangay Laniton, Basud.
Pinangunahan ni Primewater Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda at mga opisyal ng kumpanya gayundin ng CNWD ang seremonya na dinaluhan din ng mga lokal na opisyal sa pangunguna ni Mayor Adrian Davoco.
Ayon sa Primewater ang proyektong ito ay magbibigay ng dedicated water supply particular sa Basud.
Ito umano ang magiging solusyon sa nararanasan ngayong low pressure lalo na sa mga endpoints ng naturang bayan.
Ibinida ng kumpanya na mabebenepisyuhan ng proyekto ang nasa mahigit 3, 900 na water service connection para ma- improve ang pressure at inaasahan din umano ang karagdagang 150 bagong service connection.
Hindi lang umano ang mga taga Basud ang makikinabang sa proyekto kundi maging ang mga Barangay ng Daculang Bolo at Laniton sa San Lorenzo Ruiz.
Target umano ng kumpanya na makumpleto ang proyekto ngayong Disyembre.
Sa ngayon ay malaki ang problema sa serbisyong patubig sa mga endpoints barangay ng Basud tulad ng Mocong maging ang Barangay Matnog.
Kapag natapos umano ang proyekto ay magkakaroon na ng 24 oras na supply ng tubig sa mga apektadong lugar.
