Posibleng lumobo pa sa mga susunod na taon sa 5.8billion ang pagkalugi o mawawala sa gobyerno kada araw kapag hindi pa rin natugunan ang problem sa trapiko sa maraming kalsada sa bansa.
Ito ay batay sa pagtaya ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sa pre-SONA briefing, sinabi ni DPWH Secretary Manuel Bonoan may nauna nang pag aaral ang JICA o Japan International Cooperation Agency ilang taon na ang nakalilipas na nagsabing 3.5 billion pesos ang nawawalang kita ng bansa kada araw dahil sa traffic.
Kaya naman pinagtutuunan ng pansin ng DPWH ngayon ang pagpapalawak sa mga road networks at pinalalakas ang mga convergence programs.
Inihalimbawa ni Bonoan ang ginagawa nila ngayong four lanes na national roads mula sa kasalukuyang dalawang lanes.
Naniniwala ang kalihim na ang four lane roads ay mag di-decongest o magpapaluwag sa trapiko, hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Puspusan na rin ang pagsasagawa nila ng mga bypass roads para may alternatibong daan ang mga motorista.
Hinihimok din nito ang mga lokal na pamahalaan na ipatupad ang land use plan kung saan ang mga commercial area at establishments ay dapat ilagay sa medyo malayo sa sentro para hindi magdulot ng masikip na daloy ng trapiko.