Naghain ng resolusyon ang Makabayan Bloc sa Kamara upang paimbestigahan ang umano’y ilegal na paglilipat ng hindi nagamit na pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa unprogrammed items.
Batay sa House Resolution Number 1805, nais ng mga kongresista na siyasatin ang halos 90 billion pesos na government subsidies na ibinalik sa national treasury upang pondohan ang unprogrammed items.
Binigyang-diin nina Gabriela Representative Arlene Brosas, ACT Teachers Representative France Castro at Kabataan Representative Raoul Manuel na hindi akma ang hakbang sa itinatakda ng Universal Healthcare Act na may mandatong ang sobrang pondo ay dapat gamitin para palakasin ang mga benepisyo at bawasan ang member contributions.
Dahil dito ay kuwestyonable anila ang tamang paggamit at alokasyon ng pondo para sa pangangailangan ng mamamayan.
Nakokompromiso umano ang kakayahan ng PhilHealth na tuparin ang mandato nito at maaaring maapektuhan ang paghahatid ng serbisyong medikal lalo na sa mahihirap na umaasa lamang sa ahensya.
Dagdag pa ng mga ito, posibleng may mas malaking “systemic issue” pa na dapat busisiin sa pangangasiwa at alokasyon ng government resources na mas malala kumpara sa nauna nang nabunyag na kontrobersya.