CAMARINES NORTE- Isang hairstylist ang inaresto ng mga kapulisan sa kalagitnaan ng pagpapatrolya sa P-3, Barangay Calintaan, Talisay, Camarines Norte
Ang suspek ay kinilala sa alyas na “Ron-Ron”, 31 anyos, residente ng Monteville Subdivision, Brgy. Mancruz, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat na isinumite ni PCPT JOHN LAWRENCE M SABONG, hepe ng Talisay MPS habang nagpapatrolya umano ang kanilang mobile patrol team sa nabanggit na lugar ay nakita nila ang suspek na may hawak ng isang transparent na plastik na pakete na hinihinalang iligal na droga habang pinipitik nito.
Kaagad na nagtangkang tumakas ang suspek matapos na mapansin nito ang mobile ng Talisay PNP ngunit mabilis ang naging aksyon ng mga tauhan ng pulisya at nahabol nito ang suspek at nakuha mula rito ang isang maliit na plastik na pakete ng hinihinalang shabu.
Ang nakuhang iligal na droga ay tinatayang may timbang na 0.0110 gramo na may katumbas na halagang Php 500.00.
Samantala, nakuha pa sa body bag na gamit ng suspek ang isa pang maliit na piraso ng selyadong plastik na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang may timbang na 0.0112 gramo at katumbas na halagang umaabot sa Php 1,000.00.
Ang naarestong personahe ay kasalukuyang nasa pangangalaga na ng Talisay MPS para kaharapin ang kasong paglabag sa Sec 11, Article II, ng RA 9165.
