Wala nang buhay ang isang guro ng makita ito ng kanyang kapwa guro na nakasabit sa grills ng bintana ng kanyang tinutuluyang apartment sa Mahabang Ludlod, Taal, Batangas.
Kinilala ng Taal Municipal Police Station ang guro na si Meriel Castillo Magsino, 29 anyos, tubong Zone 9, Taal Batangas at residente ng Mahabang Ludlod ng nasabing bayan.
Ayon sa imbestigasyon, alas-9:30 ng umaga ng Hunyo 29, 2022 nang magpunta sa tinutuluyan ng biktima ang mga kapwa guro nito na sina Maria Fe Piol at Karen Reyes Medina nang mapansin ng mga ito ang masalimuot na nangyari kay Magsino.
Bukod umano sa nakita itong nakasabit sa grills ng bintana ay napansin rin ang sugat sa bandang tiyan nito.
Samantala, inilahad naman ng caretaker ng apartment na si Francisco Bacsal Labian na nakita niya si Fr. Johnsen Sandoval Guevarra, ang paring kaibigan ng biktima, na pumunta at dali-daling ring umalis sa nasabing lugar bandang alas-6:00 ng umaga ng kaparehong araw ng walang sumasagot sa bahay ng biktima, base na rin sa kuha ng CCTV.
Ayon sa pari, nag-chat umano ang biktima sa kanya bandang 1:00 ng madaling araw na nagbabadya na may gagawing hindi maganda.
Nang mabasa naman ito ng pari kinaumagahan ay agad nitong pinuntahan ang biktima.
Sa kabilang banda, batay sa masusing imbestigasyon ng Taal MPS at ng SOCO, napag-alaman na ang mga tinamong pinsala ng biktima ay self-inflicted at wala ring nakita na signs of struggle mula sa biktima.
Sa pagsusuri naman sa cellphone ng biktima, nadiskubre ang tunay na dahilan ng pagpapakamatay nito at ito ay ang tungkol sa alitan nila ng kanyang karelasyon na kung saan sinuportahan naman ito ng mga nakuhang suicide letter mula sa bag ng biktima.
Sa huli, lumabas ang katotohanan na ang biktima ay kinitil ang kanyang sariling buhay.