Kumpirmadong nakatakas na si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo mula sa bansa ayon kay Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.
Base ito sa naging manifestation ni Hontiveros, kung saan ibinahagi niya ang isang resibong natanggap niya na nagpapakita ng pag-alis ni Guo ng July 17 ng gabi papuntang Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa iba pang source ng senadora, napag-alaman din na tumuloy si Guo sa Singapore para tagpuin ang kanyang mga magulang at di kalaunan ay lumipad sa China kung nasaan sina Wesley Guo at Cassandra Ong.
Ayon kay Hontiveros, Philippine passport din ang ginamit ni Guo rito kung kaya’t isang palaisipan sa mga senador ang naging matagumpay niyang pagtakas.
Kasunod nito, binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva na marapat lang na mapagtuunang pansin ang pagpapanagot sa mga ito kasama na ang mga taong tumulong dito.