Hinamon ni Comission on Elections Commissioner Rowena Guanzon si Commissioner Aimee Ferolino na sabay silang magresign matapos umanong malagay sa alanganin ang integridad ng Comelec kaugnay sa disqualification case laban kay presidential aspirant Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ni Guanzon ang hamon sa pamamagitan ng isang tweet habang nagpapatuloy ang infighting sa loob ng Comelec First Division, na humahawak sa tatlong pinagsama-samang disqualification cases laban kay Marcos Jr.

Magugunitang noong nakaraang linggo sinabi ni Guanzon na binibigyan niya ng hanggang ngayong tanghali Enero 31 si Ferolino para ilabas ang resolusyon ng Comelec First Division sa petisyon na i-disqualify si Marcos Jr. mula sa pagtakbo sa May 9 presidential polls.
Nauna nang ibinunyag ni Guanzon na ang kanyang boto ay para idiskwalipika si Marcos Jr. at ang “political interference” ay nagpapaantala sa paglalabas ng resolusyon na dapat ay isusulat ni Ferolino.
Si Guanzon na appointed ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay nakatakdang magretiro sa darating na Pebrero 2, 2022.