Grupo ng mga private hospitals, nakakita ng muling pagtaas ng mga COVID-19 cases

Naka-monitor ang grupo ng mga pridadong ospital ng muling pagtaas ng mga COVID-19 cases sa bansa.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines president Dr. Jose de Grano na sa huling dalawa hanggang tatlong linggo – muling nakita sa kanilang mga pasilidad ang pagtaas ng mga aktibong kaso ng nakahahawang virus.

Bagamat hindi naman kritikal ang mga naitatalang kaso, at hindi rin lumalala ang sitwasyon sa mga healthcare facilities – dapat pa rin aniyang maikonsidera ang mabilis na hawaan nito.

Sa kabila nito, hindi pa naman umano niya direktang maiuugnay ito sa pagluluwag ng mask mandate sa mga outdoor areas.

Kaugnay nito, nanawagan siya sa publiko na hanggat maari ay ikonsidera pa rin ang pagsusuot ng face masks para maproteksyunan pa rin mula sa COVID-19.

Sa huling Media Forum ng Department of Health noong nakaraang linggo – sinabi ni officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang naitalang pagtaas sa positivity rate ay hindi pa direktang epekto ng liberalization ng mask mandate.
#