Patay ang isang Grade 1 pupil sa Comara T. Manuel Central 1 Elementary School Sped Center sa Lupon, Davao Oriental matapos na tumama ang ulo sa mesa sa loob ng kanilang classroom.
Nadala pa sa ospital ang estudyanteng kinilalang si Althea Gaviola, 6 na taong gulang, ngunit matapos ang ilang araw na pagkakoma, binawian din ito ng buhay.
Sa eksklusibong panayam ng Brigada Mati kay Danica Gaviola, ina ng biktima, sinabi niyang ipinaalam sa kanya ng guro ng kanyang anak na kunin ang bata sa kanilang classroom matapos naitulak ito ng kanyang kaklase. Pagdating ng bata sa kanilang bahay, nagreklamo ito ng pananakit ng ulo at humiling na matulog, ngunit nang magising ay nagsuka na ito.
Kinabukasan ng umaga, maagang pumunta ang guro sa kanilang bahay at hiniling na dalhin sa ospital ang bata. Pagdating sa Mission Hospital sa Tagum City, agad itong inirefer sa Regional Hospital dahil sa kritikal na kalagayan.
Ilang araw na comatose si Althea at hindi na ito naisalba ng mga doktor.
Gayunpaman, hindi sinisisi ng mga magulang ang guro sa nangyari sa kanilang anak, lalo na’t nakita nila ang pagiging responsable nito at patuloy na pagtulong mula sa pagpapacheck-up, pagpaospital, hanggang sa burol ni Althea.
Sa ngayon, nananawagan ang mga magulang ni Althea na matulungan sila sa pag-aayos ng libing ng kanilang anak, lalo na’t hirap sila sa kasalukuyan dahil ang kita bilang maintenance sa isang Mall lang ng ama ni Althea ang inaasahan ng kanilang pamilya.