Naglaan ang Grab Pilippines ng P25 million na assistance fund para sa partner drivers nito sa gitna ng “economic challenges” na nakakaapekto sa sektor ng transportasyon kabilang na ang pagsipa ng presyo ng langis.
Inihayag ng platform na magagamit ang P25 million “partner assistance fund” sa performance-based incentives at iba pang partner support programs na para sa drivers at delivery partners.
Ayon kay Grab Philippine Senior Director for Strategy and Operations Ronald Roda, nangangailangan ng longer-term solution mula sa lahat ng sektor ng lipunan ang mga economic challenges na kinahaharap ng bansa ngayon.
Umaasa naman ang Grab na sa pamamagitan ng kanilang efforts ay magagawa nitong ma-inspire ang mas maraming platforms, mga negosyo, at organisasyon na gumawa ng malaking hakbang para sa kanilang stakeholders sa panahon ng pagsubok.
Inanunsyo rin ng Grab na palalawigin nito ang kanilang zero-interest loan support para sa pagbili ng gasolina sa pamamagitan ng Grab Finance Shell Fuel card, kung saan ay may option ang drivers na i-avail ang isang linggong halaga ng langis.
Mababatid na ngayong linggo ay tumaas ng P5 kada litro ang presyo ng diesel habang sumipa din ang presyo ng gasolina ng higit P3 kada litro.
Kasunod ito ng pagsirit ng global crude oil benchmarks ng higit sa $100 per barrel dahil sa nangyayaring tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.
