Nagpositibo sa COVID-19 si Quirino Governor Dakila Dax Cua matapos sumailalim sa RT-PCR Test kahapon, September 8, 2021. Ito ang kinumpirma ng gobernador sa kaniyang naging mensahe sa facebook page.
Aniya, wala naman umano itong nararanasan na sintomas ng COVID-19 at kasalukuyang naka-self isolate. Ayon pa sa gobernador, maging ang kaniyang pamilya ay naka-quarantine na rin sa kanilang tahanan.
Nagsimula na rin aniya ang contact tracing at nasabihan na ang mga nakasalamuha ng gobernador na mag-isolate at sumailalim sa RT-PCR Test.
Sa kabila nito ay nilinaw ni Gov. Cua na magpapatuloy ang serbisyo ng Governor’s office at Pamahalaan Panlalawigan ng Quirino sa mga Kailyans na nangangailangan ng tulong pinansyal.
Dagdag pa ng opisyal, malaki umano ang tulong ng kaniyang natanggap na bakuna upang maging mild case lamang ang kaniyang kalagayan.
Samantala, hinikayat naman niya ang mga kabilang sa priority group partikular ang mga senior citizen na magpabakuna bilang mabisang proteksyon sa COVID-19. Pinaalalahanan din niya ang publiko na sumunod sa umiiral na health protocols.