Timbog ang dalawang college student sa isinagawang buy bust operation ng mga otoridad sa Tagaran, Cauayan City, Isabela gabi ng September 8, 2021.
Kinilala ang mga suspek at magkasintahan na sina Richmond Macaspac, 21-anyos at residente ng District 1, Cauayan City; at si Shayne Talosig, 20-anyos at residente ng Brgy. Santor, Reina Mercedes, Isabela.
Ikinasa ang buy bust operation ng mga kasapi ng PNP Cauayan katuwang ang PIU, PDEU IPPO at PDEA Region 2 pasado alas-8 ng gabi ng September 8 kung saan positibo umanong nabili kay Macaspac ang isang piraso ng ziplock transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang dried marijuana leave.
Nakumpiska rin sa kaniya ang isang piraso ng genuine 500 peso bill, 11 na piraso ng 500 peso bill na boodle money, glass tooter, belt bag na mayroong 6 na piraso ng ziplock plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, cellphone at Van.
Habang nakuha naman sa pag-iingat ni Talosig ang isang yellow pouch na naglalaman ng 1 bala ng caliber 9mm, mga ID at isang cellphone.
Ang mga nakumpiskang marijuana ay tumitimbang ng 500 grams na may DDB value na 60, 000 pesos.
Sa pakikipag-ugnayan naman ng 92.9 Brigada News FM Cauayan sa imbestigador ng PNP Cauayan, napag-alaman na kabilang sa high value target si Macaspac.
Sinubukan naman kunin ang panig ng mga suspek subalit tumanggi na silang magbigay ng pahayag. Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa RA9165 at RA10591 na nasa pangangalaga na ng PNP Cauayan.
Photo: PNP Cauayan