Tiniyak ng Malacañang na ilalabas nito sa lalong madaling panahon ang mga panuntunan para sa pinansyal na ayuda at public transportation sa Metro Manila, na katakdang sumailalim sa Enhanced Community Quarantine sa loob ng dalawang linggo sa Agosto.
Layon ng pagpapatupad ng ECQ mula August 6-20 na matugunan ang banta ng mas delikadong Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inaasahan nila na mabibigyan ng parehong cash aid ang mga residente ng NCR tulad ng naibigay sa Iloilo province, Iloilo City at Gingoog City.
Ipinunto rin niya na sinabi sa kaniya ni Budget Secretary Wendel Avisado na hahanapan ng gobyerno ng paraan ang pondo para rito.
Ang mga tinukoy na lugar ni Roque ay nalagay rin sa ilalim ng ECQ mula pa noong July 16 hanggang August 7.
Mababatid na base sa umiiral na polisiya ng gobyerno ay kailangan nito magbigay ng pinansyal na tulong sa mga apektadong pamilya sa ECQ areas.