SORSOGON CITY – Umaasa si Sorsogon governor Francis ‘Chiz’ Escudero na maisasakatuparan ngayong SY 2021-2022 ang mungkahi na ‘limited face to face learning.’
Ayon sa gobernador, makabubuti umano ito sa mga mag-aaral, na nahaharap sa maraming hamon, kabilang ang mahinang internet connection at ang kawalan ng gadget.
Subalit nilinaw ng opisyal na ang limitadong pisikal na klase ay sa mga ‘low risk’ areas lamang o lugar na walang hawaan.
Idiniin din ni Escudero na ang DepEd ay dapat maglatag ng health protocols bago magpatupad ng limitadong face to face classes.
Matatandaan na pumayag na si Pang Rodrigo Duterte sa ‘limited F2F’ learning sa mga low risk areas, ito ay makaraang aprubahan ng Pangulo ang isinumiteng proposal ni DepEd secretary Leonor Briones na hinihingi na ng mga LGUs at 71 international schools ang harapang pag-aaral katulad ng Siquijor, Dinagat Islands at Siargao na nasa zero level infection.
Lumabas din sa local survey na 70% ng mga magulang at mga guro ay pumapayag ng ‘limited F2F classes’ habang 30% naman ang umayaw at hihintayin muna ang vaccine.

