Muling ipinakilala ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukala na bubuo ng karagdagang division ng National Labor Relations Commission (NLRC) na itatayo sa Davao City.
Sa Senate Bill No. 1187, na mag-aamyenda sa mahahalagang probisyon ng Labor Code of the Philippines, ay kailangan rin umanong taasan ang bilang ng mga commissioners mula 23 sa 26, dahil ang bawat NLRC division ay binubuo ng tatlong miyembro.
Alinsunod sa existing practice, ang tatlong karagdagang commissioners ay dapat manggaling sa bawat public, workers’ at employers’ sectors, pero ang kapangyarihan, functions at duties ng NLRC, ay mananatiling pareho.
Ang NLRC ay quasi-judicial body na attached sa Department of Labor and Employment, na may trabahong ipromote at ipanatili ang industrial peace sa pamamagitan ng pagresolba sa labor at management disputes na kinabibilangan ng mga manggagawa.
Binigyang diin ni Go na ang pagtaas sa bilang ng local at overseas workers sa ilalim ng hurisdiksyon ng NLRC, ay nananawagan ng corresponding expansion ng body para mabawasan ang backlog sa kaso at matugunan ang labor disputes ng mas maaga.
