Tiniyak ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na nanatiling focused ang Duterte administration sa paglaban sa COVID-19 pandemic, upang makapagbigay ng mas komportableng buhay para sa lahat, tulad ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Giit ni Go, bagama’t ginagalang ng gobyerno ang freedom of speech, kailangan manatiling hindi patitinag ang mga opisyal sa gitna ng mga batikos, at ilaan ang kanilang atensyon sa pagsisilbi sa bansa, pag-gawa sa kanilang mandato, at tumulong sa mga mamamayang Pilipino na makaahon mula sa hamon na dulot ng COVID-19 pandemic at iba pang crisis situations.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng senador ang oposisyon na mag-alok ng konkretong solusyon at magbigay ng tulong sa COVID-19 efforts ng gobyerno sa halip na batikusin ang pangulo at ang gobyerno.
“Alam n’yo sa totoo lang, malapit na pong matapos ang termino nilang dalawa, ni Pangulo at ng Pangalawang Pangulo. So far, wala naman po akong nakitang konkretong suhestiyon mula sa ating Bise Presidente,” saad ni Go.
“Puro batikos pero wala namang binibigay na alternative workable solutions na makakatulong po sa ating bayan,” dagdag ni Go, na tinutukoy ang batikos mula kay Vice President Leni Robredo.
“Alam n’yo noong nakaraan, noong wala pang bakuna, binabatikos – nasaan daw ang bakuna? No’ng nandidiyan na ‘yung bakuna – bakit iyang bakuna ang dumating? Ngayon marami nang bakuna – sinasakyan naman,” dagdag ng senador.
