Sa kabila ng magandang performance ni NBA star Jordan Clarkson para sa Gilas Pilipinas, bigo pa rin ang Philippine squad na talunin ang Lebanon sa home court nito sa FIBa World Cup Asian qualifiers, 85-81.
Nagtala ang Utah Jazz star ng 27 points, 7 assists, at 6 rebounds para sa Pilipinas.
Bumida para sa Lebanese squad si Wael Arakji na nagpakawala ng 7-0 run kabilang na ang clutch 3-point shot sa huling minuto ng laro.
Maliban kay Clarkson, maganda din ang nilaro ni Dwight Ramos na humakot ng 18 points, 10 rebounds, at 6 steals habang si Kai Sotto ay nag-ambag ng 10 points, 8 rebounds, at 2 blocks.
Dahil sa pagkatalo, bumagsak sa 2-3 ang standing ng Pilipinas na umaasang makakabawi laban sa Saudi Arabia na sunod nitong makakalaban sa Lunes sa Mall of Asia Arena.
