Gilas muntik nang masilat ang powerhouse na Serbia sa OQT

Pinahirapan ng Gilas Pilipinas ang powerhouse team na Serbia sa Olympic Qualifying Tournament.

Sa loob ng 36 minutos ay kontrolado ng Serbia ang laban subalit pagdating ng huling period ay ipinamalas ng Gilas ang ‘puso’ sa laro.

Nagkawala ang Pinoy dribblers ng 7-0 run at lumamang pa 74-73 sa nalalabing 3:40 ng 4th quarter matapos ang driving lay-up ni RJ Abarientos.

Subalit hindi naman hinayaan ng Serbia na mapahiya sa kanilang home court at sa pamamagitan ng 10-2 counter run ay tuluyan pinaluhod ang mas batang Gilas.

Nagtapos ang laban sa score na 83-76 pabor sa Serbia.

Susi naman sa tagumpay ang 25 puntos ni NBA center Boban Marjanovic at Ognjen Dobric na humakot ng 16 points para sa host team.

Samantala nanguna para sa Gilas sina Ange Kouame na nagtala ng 17 points habang may 13 point naman si Jordan Heading.

Sa kabila ng pagkatalo umani ng papuri ang Pilipinas dahil sa ipinakitang performance nito na muntik nang maka-upset ang no. 5 sa world ranking.

Sunod na makakaharap ng Pilipinas ang koponan ng Domican Republic sa Group A ng OQT.