HINDI TOTOO NA WALA SYANG PANINGIN, MAHINA LAMANG ANG KANYANG PANINGIN.
Ito ang pahayag ni 602nd Infantry Brigade Commander Brig. Gen. Roberto Capulong matapos na ulanin ng batikos sa social media kung gaano nga ba katotoo ang ulat na di-umanoy sangkot sa mga insidente ng pambobomba ang naarestong si Ali Akbar kahapon sa Kidapawan City.
Sinabi sa Brigada News FM Cotabato ni General Capulong, mayroong standing warrant of arrest ang suspek na si Akbar at lumabas na rin sa kanilang intel report ang sinasabing kapansanan nito.
Gayunman nakakatiyak anya ang militar na legit ang kanilang pagdakip sa suspek at inamin din nito na isa sya sa mga kasamahan ni Salahudin Hassan ng Dawlah Islamiah Terrorist Group.
Patuloy namang kinukumpirma ni General Capulong ang kaugnayan ng suspek sa nangyaring panununog ng dalawang unit ng Yellow Bus Line noong Enero at nitong unang linggo ng Hunyo sa mga bayan ng Tulunan at Mlang.
Hindi anya direktang inamin ng suspek na sangkot sya sa nasabing mga insidente ngunit hindi ito binabalewala ng Militar dahil sa direktang pakikipag-ugnayan nito kay Hasan.