Nagpahayag ng pag-aalinlangan si Senator Sherwin Gatchalian na papayag ang China na tugunan ang mga kahilingan ng Pilipinas hinggil sa panukalang joint oil and gas exploration sa South China Sea kahit sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Inalala ni Gatchalian, na namumuno sa Senate Committee on Energy noong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, na ang mga talakayan tungkol sa iminungkahing joint exploration sa pagitan ng Pilipinas at China ay nauwi lamang sa isang hindi pagkakasundo dahil sa pagtanggi ng China na sumang-ayon sa mga terms ng gobyerno pagdating sa exploration at development ng indigenous petroleum resources sa bansa na pinamamahalaan sa ilalim ng Presidential Decree No. 87.

Sinabi ni Gatchalin na dapat ding bigyan ng kredito ang administrasyon ni dating Pangulong Duterte dahil matatag ang dating pamahalaan sa paninindigan nito na dapat sumunod ang Beijing sa mga batas at Konstitusyon ng bansa.
Sinabi rin ni Gatchalian na ang paghiling sa China na ibalik ang kanilang mga barko sa West Philippine Sea bago sumang-ayon sa pagpapatuloy ng anumang pag-uusap tungkol sa joint exploration ay imposible.
Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian na dapat lubos na isaalang-alang ng gobyerno ang pagpasok din sa isang joint exploration agreement sa iba pang interesadong bansa, bukod sa China.//CA