Gatchalian: ‘Guo Hua Ping’ – totoong Alice Guo?

Naniniwala si Senate Committee on Ways and Means, Chairperson, Senador Win Gatchalian na mas mapapalakas ang quo warranto case laban kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay matapos lumabas sa impormasyong nakuha ni Gatchalian na posibleng iisa lang si Guo at ang Chinese national na nangangalang si Guo Hua Ping base sa dokumentong nanggaling sa Board of Investments mula sa aplikasyon ng pamilyang Guo para sa Special Investors Resident Visa (SIRV) at sa Bureau of Immigration (BI).

Kung totoong iisa lang si Guo at ang nabanggit na Chinese national ay makikitang August 31, 1990 ang tunay na petsa ng kapanganakan ng alkalde at hindi July 12, 1986 kung kaya’t nasa tatlumpu’t apat na taon pa lang ito at hindi tatlumpu’t walong taong gulang.

Maliban pa roon, mapapansin din sa nasabing dokumento ang ID picture ng isang batang larawan na tila kamukha ng alkalde at mababasa rito na January 2003 ito nakapasok sa Pilipinas.

Samantala, nakalagay din sa mga dokumento na ang registered mother nito ay si Lin Wen Yi na una nang lumutang dahil sa paghihinala ni Gatchalian na ito ang tunay na nanay ni Guo lalo na’t ito rin ang pinapakilala niyang ina sa mga negosyo nito sa Valenzuela.

Maalala, ang quo warranto ay tumutukoy sa uri ng legal na kaso na ginagamit upang mag-usisa at tutulan ang legal na karapatan ng isang indibidwal na humawak ng isang opisyal na posisyon o titulo.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *