Ibinunyag ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office Chairman Anselmo Pinili ang posibleng motibo sa pamamaslang sa dating board secretary na si Atty. Wesley Barayuga.
Sa ikapitong pagdinig ng House Quad Committee, inamin ni Pinili na mayroong internal issues sa pagitan nina Barayuga at noo’y PCSO General Manager Royina Garma kung saan hindi nila napagkasunduan ang issuance ng board certificates para sa Small Town Lottery franchises.
Tumanggi aniya si Barayuga na pirmahan ang certificates nang walang full board approval.
Isiniwalat din ni Pinili na matapos ang pagpatay sa board secretary ay nagkaroon siya ng “privileged communication” kina Senador Christopher “Bong” Go at dating Chief Presidential Legal Counsel Jesus Melchor Quitain.
Ibinahagi umano niya kina Go ang posibleng motibo sa krimen.
Inusisa ni Antipolo City Representative Romeo Acop kung bakit inipit nang matagal ang impormasyon gayong alam pala niya ang nangyari.
Pero giit ni Pinili na naging kaklase ni Barayuga, natakot lamang siya na magsalita.