CAMARINES NORTE- Inalis na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa ang ilang araw nang nakabanderang gale warning sa karagatang sakop ng Camarines Norte.
Kaya naman maaari na muling maglayag o pumalaot ang mga maliliit na bangka.
Batay sa Sea Travel Advisory ng Camarines Norte Coast Guard Station, inalis na ang gale warning sa lalawigan dahil sa improvement ng weather at sea condition.
Gayunman, pinag iingat pa rin ng Coast Guard ang lahat ng mga bangka, maliit man o malaki lalo na ngayong umiiral pa rin ang amihan,
Matatandaan na una nang inanunsiyo ng pagasa na hihina ang amihan pagkatapos ng Pebrero 8.
Gayunman, hindi aniya ito nangangahulugan na tapos na ang amihan.
Babalik pa rin aniya ito kaya hindi pa masabi sa ngayon ng Pagasa kung kailan idedeklara ang tag- init.
Kapag ganitong panahon ay apektado ang kabuhayan lalo na ng mga maliliit na mangingisda.
Hindi pa man kasi nakakabawi ay muling ibinabandera ang gale warning pagkalipas lang ng mga ilang araw.
