CAMARINES NORTE – Kasado na ang isasagawang forum at photo exhibit ng Commission on Elections (Comelec) Bicol na gagawin sa August 22 ng taong kasalukuyan sa Sorsogon Provincial Gymnasium sa Sorsogon City.
Bahagi ito ng paghahanda sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Natanggap na ng Comelec Provincial Office ng Camarines Norte ang Memorandum ni Regional Election Director Maria Juana Valeza na naka- address sa lahat ng Provincial Election Supervisors.
Kabilang sa mga inimbitahang dumalo sa naturang event ang Provincial Local Government Operations Officers ng Department of the Interior and Local Government , Federation President ng Liga ng mga Barangay sa Provincial at City/Municipal level.
Para agad na maipaabot ang imbitasyon ay hiniling ni Valeza ang tulong mga Election Officer na ipaabot ito sa mga inimbitahan.
Inatasan din nito na dumalo sa naturang forum ang mga Provincial Election Supervisor na magsisilbing panelist habang hinihikayat din ang mga Election Officer na dumalo sa aktibidad.
Gagawin ang forum mula ala 1 hanggang alas 5 ng hapon pero magiging accessible ang photo exhibit mula alas 8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon sa nabanggit na petsa.
Nagpadala ng sulat ang mga opisina ng Comelec sa lalawigan sa mga inimbitahang dumalo at kailangang i- retrieve ang reply slip bago o sa August 15.
Inaasahang sesentro ang lecture sa mga mahahalagang impormasyon na dapat malaman lalo nan g mga aspirante sa posisyon sa barangay tulad ng qualifications ng kandidato, proseso ng filing ng Certificates of Candidacy at compliance ng mga ito sa paghahain ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Magsisimula ang election period sa August 28 na simula na rin ng paghahain ng COC hanggang September 2.
Samantala, nagpaskil na ang mga opisina ng Comelec sa lalawigan ng posted Computerized Voter’s List (PCVL).
