Forced evacuation, ipinatupad na sa Cagayan

Nananatili ngayon sa mga evacuation center ang 37 na pamilya na binubuo ng 143 na indibidwal sa lalawigan ng Isabela matapos ilikas dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine.

Ang nasabing mga indibidwal ay mula sa tatlong bayan sa lalawigan, dalawang pamilya naman ang inilikas sa Quirino, habang 16 na pamilya na binubuo ng 39 na indibidwal ang inilikas sa Lal-lo, Cagayan at patuloy ang pagsasagawa ng evacuation sa bayan ng Alcala.

Naglabas naman ng abiso ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa mga Lokal na Pamahalaan na magsagawa na ng force evacuation sa mga residenteng nasa low lying areas o mga bahaing lugar.

Ito ay matapos maobserbahan ang pagtaas ng lebel ng tubig sa ilog Cagayan at tributaryo nito dahil sa ulang dala ng bagyong Kristine at pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Dahil dito, posibleng makaranas ng pagbaha ang Peñablanca, Tuguegarao City, Solana, Iguig, Amulung, Alcala, Baggao, Lasam, Gattaran, Lallo, Camalaniugan, Aparri, Tuao, Piat, at Sto. Niño.

Bumuo naman ng Reactionary Standby Support Force ang Police Regional Office 2 na binubuo ng 4, 000 pulis at tutulong sa mga posibleng search and rescue operation sa rehiyon. (WITH REPORTS FROM ANGELIE DRIZ – 92.9 BNFM CAUAYAN CITY)