Sinagot na ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga netizens na naghahanap ng flood control ng pamahalaan.
Kasunod na rin ito ng malawakang pagbaha na dala ng pananalasa ng bagyong Kristine.
Sa ambush interview sa Pangulo sa Batangas, palagi nyang nababasa sa dyaryo at naririnig sa radyo at telebisyon na bukambibig ng mga netizens ang flood control.
Iginiit ng Pangulo na merong flood control, ‘yun nga lang sadyang hindi lang anya kinaya ang dami ng volume ng tubig na dala ng naturang bagyo.
Nakadisenyo raw kasi ang mga itinayong flood control noon sa bahang tulad ng dala ng bagyong Ondoy noon.
Sinabi ng Presidente na nagbabago na ang panahon dahil sa climate change, kaya ang mga lugar anya na dati ay hindi binabaha, ngayon ay nakakaranas na ng mga pagbaha.
Ito rin daw ang dahilan kung bakit extreme na ang weather condition na nararanasan ngayon hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo tulad ng Espanya at Amerika.
Hindi rin daw magiging problema sa kaniya ang plano ng ilang mambabatas na busisiin ang patungkol sa flood control ng pamahalaan.
Aniya, dapat din daw tingnan ng mga mambabatas na nais mag-imbestiga dito ang sinasabi ng siyensa tungkol sa pagbabago ng panahon.
Una nang sinabi ng Presidente na meron nang pangangailangan na baguhin ang disenyo ng mga infrastructure projects ng pamahalaan na aakma sa climate change.