SORSOGON CITY – Mas nangingibabaw ang kasiyahan kaysa pag-aalala.
Ganito isinalawaran ni Gng. Cristina Dichoso ang kanyang nararamdaman bilang magulang sa unang araw ng implementasyon ng limited face to face classes sa Buenavista Elementary School.
Ayon dito, hindi siya nakakaramdam kahit kaunting pangamba dahil talagang mas pinipili nila ang face to face classes kaysa online learning.
Aniya, ito’y dahil iba rin talaga umano kapag pumapasok sa paaralan ang isang estudyante bukod pa sa iba rin ang kasanayan ng mga guro sa pagtuturo kumpara sa kanilang mga magulang.
Dagdag pa nito, mahirap din kasing pagsabayin ang pagtuturo at pag-aasikaso sa pangangailangan ng pamilya kumpara sa mga guro na talagang kanilang natututukan ang mga mag-aaral.
Noong Lunes, Nobyembre 15, nang simulan ang implementasyon ng limited face to face classes sa Buenavista Elementary School sa bacon District, Sorsogon City bilang natatanging paaralan sa lalawigan na napili para sa piloting.
