Nagbayad ang TigerPhil Marketing Corporation, na supplier ng face mask ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, ng karagdagang buwis sa gobyerno sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa overpriced umano na pandemic supplies na binili ng pamahalaan.
Sinabi ng opisyal ng TigerPhil na si Albert Sy na ang halaga ng buwis na kanilang binayaran ay tumaas sa P1.1-million mula sa inisyal na halaga nito na P553,000.

Ito ay matapos kwestyunin ni Senator Panfilo Lacson kung bakit nasa P3.4-million lang ang declared sales ng kompanya sa Pharmally kahit dapat ay nasa P21-million ito.
Tumugon si Sy at sinabi na inamyendahan na nila ang naturang halaga kung saan ay umabot sa P1.1-million ang kanilang binayaran.
Dahil diyan ay natanong ni Lacson kung binalak ba ng TigerPhil na magbayad ng tamang buwis kung hindi ginawa ang Senate inquiry.
Inihayag naman ni Sy na gagawin nila ito kahit hindi nagkaroon ng imbestigasyon.