Mass Vaccination, pinaburan
Sang-ayon ang isang infectious disease expert na rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na magkaroon ng mass vaccination laban sa monkeypox.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante na mahalaga na mabakunahan ang mga high risk groups laban sa monkeypox lalo na kung magkakaroon ng outbreak sa bansa.
Gayunman, ipinunto ni Solante na mahirap nakadepende pa rin ang mass vaccination sa availability ng bakuna.
Sa ngayon aniya ay tanging sa Amerika at UK pa lamang may mga bakuna laban sa monkeypox at limitado pa rin ang suplay nito.
Kaugnay nito, inihayag ni Solante kung sino ba dapat ang mga unang mabakunahan laban sa monkeypox.
Aniya, kailangan na unahin ang mga nagkaroon ng exposure sa confirmed case ng monkeypox.
Ikalawa naman ang mga high risk groups o ang mga taong mayroong karamdaman.
At pupwede rin aniyang ikonsidera ang mga healthcare workers na mag-aalaga sa mga monkeypox positive lalo na kapag dumami na ang pasyente sa mga ospital.
Paghihigpit sa borders ng bansa dahil sa monkeypox, hindi pa rin nakikita
Nananatiling hindi opsyon ang pagsasara ng borders ng Pilipinas para maiwasan ang pagkalat ng monkeypox sa bansa.
Sinabi ni Solante na hindi pa rin nila inirerekomenda ang paghihigpit sa travel restrictions partikular sa mga bansang may mataas na kaso ng monkeypox.
Aniya, maraming bansa na sa ngayon ang nakapagtala ng mataas na monkeypox cases ngunit hindi naman sila nagpapatupad ng travel ban.
Ang importante aniya sa border natin ngayon ay ang mahigpit na monitoring lalo na ang mga papasok sa bansa.
Binigyang diin niya na mahalagang malaman ng mga foreign travelers na may ginagawang monitoring ang bansa upang sa oras na makaramdam sila ng sintomas ng virus ay ipapaalam nila agad ito sa kinauukulan.
Monkeypox, nilinaw na hindi sexually transmitted disease
Nilinaw ng isang infectious disease expert na hindi sexually transmitted disease o STD ang monkeypox virus.
Ipinaliwanag ni Solante na dahil ang kasalukuyang mode of transmission ay close intimate contact, may mga indibidwal talaga na posibleng mahawa ng virus dahil sa pakikipagtalik.
Bukod dito, sinabi pa ni Solante na maaari ring maging sanhi ng pagkalat nito ay ang pagtalsik ng laway o skin contact.
Iginiit din niya na may kakayahang manirahan ang monkeypox sa mga damit o gamit na siyang maaaring maging isa pang dahilan ng pagkalat nito.
Sa kabila nito, muling ipinaalala ni Solante na kahit sino ay may tsansang mahawa ng nasabing virus lalo na kung hindi mag-iingat at hindi susunod sa mga health protocols.(CLAY MARQUEZ)
#