Dumalo si dating Philippine National Police Chief General Benjamin Acorda Jr. sa ika-pitong pagdinig ng Quad Committee sa Kamara ngayong araw ukol sa isyu ng POGO at umano’y extrajudicial killings.
Si Acorda ang nakita sa mga kumalat na litrato kasama ang kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang na kamakailan ay naaresto sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa kaso ng paglabag sa special immigration laws at identity theft.
Una nang itinanggi ni Acorda na may ugnayan siya sa mga indibidwal na isinasangkot sa POGO.
Bukod kay Acorda, humarap din sa imbestigasyon si dating PNP Chief General Oscar Albayalde.
Ayon kay Surigao del Sur Representative Johnny Pimentel, mayroong ipiprisintang “matrix” ngayong araw kung saan dito ipapakita ang mga personalidad na may koneksyon umano sa POGO at ilegal na droga.
Inaasahan ni Pimentel na wala na silang makukuha kina Cassandra Li Ong at dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil may mga kinahaharap na ito na kaso sa korte.
Samantala – ‘no show’ pa rin si SP04 Arthur Narsolis, ang itinuturong sangkot ‘di umano sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lord sa Davao.
Samantala, pina-cite-in-contempt naman ni ABANG LINGKOD Party-list Representative Joseph Stephen Paduano sina Napolcom Commissioner Edilberto Leonardo at PSSG Enecito Ubales Jr.