Binweltahan ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, Chairperson, Senador Ronald Bato Dela Rosa ang naging pahayag ni dismissed police colonel Eduardo Acierto.
Ito ay matapos sabihin ni Acierto na tumatayo siya bilang protector at maging sina dating pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher ‘Bong’ Go sa mga operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Ani Dela Rosa, sa pagkakatanda niya, nang matanggap niya ang pagkasangkot ng dating economic adviser ni Duterte na si Michael Yang sa shabu laboratory sa Davao City ay inutusan niya si Acierto na imbestigahan ito at kung mapatotohanan ay magsagawa ng operasyon laban kay Yang.
Ngunit kwento niya, imbis na gawin ito ni Acierto ay nagpokus ito sa trafficking ng multi-bilyong halaga ng droga na nakalagay sa mga magnetic lifters na nakumpiska ng Customs sa isang warehouse, kung saan nauwi ito sa pagkakaaresto ni Acierto.
Pasaring pa niya, ngayon alam na niya ang rason nito sa pagdalo ni Acierto sa zoom sa pagdinig ng Kamara.