Kinumpirma ng medical worker na si Neil Salvacion, ex-boyfriend ni Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo, na ipinagpalit siya ng beauty queen para sa korona.
Ibinunyag ni Neil ang totoong rason ng break-up nila ni Mateo na naging nobya niya sa loob ng anim na taon, sa isang video na naka-upload sa Kumu para sa kaniyang audition sa reality show na Pinoy Big Brother.
Inihayag naman ni Neil na pinlano niya magtrabaho sa abroad, ngunit nagdesisyon siyang manatili sa bansa para tumulong sa paglaban sa COVID-19.

Dagdag ng 27-anyos na frontliner ng Iloilo na naranasan nitong ma-isolate dahil sa COVID-19 na para sa kaniya ay nakakalungkot at mahirap.
Pero kung meron tatalo rito, ito anya ay maipagpalit para sa korona.
Ipinunto niya na mas nakakalungkot na maiwan ng taong minamahal niya dahil sa pangarap nitong korona.
Iginiit niya na ang coronavirus at korona ay ilan lamang sa mga hamon na kanyang hinarap sa buhay at ngayon ay panahon na niya para siya naman ang magkwento.