Sugatan ang isang estudyante matapos itong barilin ng kapwa estudyante sa loob mismo ng parking lot ng Saint Paul University Philippines sa Tuguegarao City, Cagayan.
Inihayag ni PNP Tuguegarao COP PLTCOL Richard Gatan na ang suspek ay boluntaryong isinuko ng kaniyang ama sa kapulisan.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, unang nakita ng mga gwardiya na nasa loob ng kotse ang babaeng biktima kasama ang lalaking suspek na kapwa kumukuha ng kursong Medical Technology at residente ng City Of Ilagan, Isabela.
Mapapansin umanong tila nag-aaway ang dalawa kung saan humihingi na ng tulong ang biktima na agad namang nilapitan ng mga gwardya at dito na nakalabas ng kotse ang biktima.
Ngunit sinundan ito ng suspek at bigla na lamang niya itong binaril dahilan upang magtamo ng tama ng baril ang biktima sa kaniyang panga.
Agad namang naisugod sa pagamutan ang biktima na ngayo’y nagpapagaling na habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang dahilan ng pag-away ng dalawa at klase ng baril na ginamit.
Tiniyak naman ng naturang Unibersidad na kontrolado nan g kanilang pamunuan ang sitwasyon at ipinasigurado ang kaligtasan ng mga estudyante.