Bahagyang nag-overshoot ang isang eroplano ng Cebu Pacific sa madamong bahagi ng taxiway sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon sa Manila International Airport Authority, nangyari ang insidente kaninang umaga habang nagsasagawa ng repositioning mula sa Bay 111 patungo sa Bay 122A ng NAIA Terminal 3.
Walang sakay na pasahero at crew ang A-321 aircraft at wala ring naitalang sugatan.
Agad na kumilos ang MIAA Aircraft Recovery team para tanggalin ang eroplano sa damuhan.
Dahil sa pangyayari, naantala ang biyahe ng ilang eroplano.
Kabilang na rito ang departure flights ng Cebu Pacific na biyaheng Manila to Hong Kong; All Nippon Airways mula Manila to Narita; Cathay Pacific mula Manila to Hong Kong; Jetstar mula Manila to Kansai; Emirates flight patungong Dubai; Scoot flight patungong Singapore at United Airlines na biyaheng San Francisco.
Delayed din ang pagdating ng Cebu Pacific flight mula Melbourne patungong Maynila at Guangzhou to Manila.
Humingi naman ng paumanhin ang MIAA sa mga apektadong pasahero at nag-abiso na maghintay ng anunsyo mula sa airline companies.