COMELEC Chief, dapat linisin ang pangalan upang matiyak ang integridad ng nalalapit na halalan – House Majority Leader

Binigyang-diin ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang pangangailangan na linisin ni Commission on Elections Chairman George Erwin Garcia ang kanyang pangalan upang protektahan ang kredibilidad ng proseso ng halalan sa bansa.

Sa gitna ito ng ipinupukol na isyu ng umano’y isang bilyong pisong offshore accounts ni Garcia at iba pang akusasyon ni SAGIP Party-list Representative Rodante Marcoleta laban sa kanya.

Ayon kay Dalipe, bagama’t wala pang natatanggap na resolusyon ang Kamara na nananawagan ng imbestigasyon ukol sa umano’y ill-gotten wealth ni Garcia ay marapat lang na mabigyang-linaw ang isyu.

Read More:  DSWD assures readiness during Habagat season

Kumpiyansa rin si Dalipe sa kakayahan ni Garcia na sagutin ang lahat ng paratang ni Marcoleta ngunit kailangan ng agarang tugon upang maiwasan ang anumang spekulasyon na makakaapekto sa integridad ng COMELEC at ang paparating na midterm elections.

Paliwanag ng House leader, hindi pa nagpapatawag si Marcoleta ng pormal na pagdinig sa 1 billion pesos na offshore deposit pero maaaring magkasa ng motu proprio probe ang House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Read More:  Pulong Duterte says Marcos won because of VP Sara

Pinuri naman nito ang poll body chief sa paglagda sa absolute waiver upang maimbestigahan ng AMLC o Anti-Money Laundering Council ang umano’y offshore accounts.

Siniguro ni Dalipe na susuportahan ng Kamara ang lahat ng hakbang upang masiguro ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon para lumakas ang tiwala ng mga Pilipino sa electoral system ng bansa.