CAMARINES NORTE – Nagsisimula nang maramdaman sa Camarines Norte ang epekto ng El Niño phenomenon kahit hindi pa idenedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa ang panahon ng tag- init.
Sa panayam ng Brigada News FM kay Raymond Gerard Ordinario, weather specialist I ng Pagasa Daet station buwan pa lang ng Pebrero ay below normal na ang rainfall amount sa lalawigan na wala pang 100 milimeters samantalang 200 milimeters dapat ang normal na dami ng buhos ng ulan.
Indikasyon umano ito na nararamdaman na sa lalawigan ang pagsisimula ng peak ng El Niño.
Kung magtutuloy- tuloy ito ay hindi inaalis ng Pagasa ang posibilidad na makaranas ng Dry Spell o hanggang drought ang probinsiya sa mga susunod na buwan.
Dry condition ang tawag kung sa dalawang magkasunod na buwan ay “below” normal ang dami ng ulang bumuhos sa isang lugar.
Dry spell naman ang tawag kung sa tatlong magkakasunod na buwan ay “below normal” o sa dalawang magkasunod na buwan ay “way below normal” ang dami ng bumuhos na ulan sa isang lugar.
Nangyayari naman ang drougth kung sa tatlong magkakasunod na buwan ay “way below normal” o sa limang magkakasunod na buwan ay below normal ang dami ng ulang bumuhos sa isang lugar.
Kaugnay nito ay nag- abiso ang Pagasa sa publiko na ngayon pa lang ay dapat magtipid na pagkunsumo ng tubig dahil posible umanong maulit ang nangyari noong 2019 na nagkanda tuyot ang spring sources na pinagkukunan ng local water utility.
May abiso rin ang Pagasa sa mga Lokal na Pamahalaan at mga magsasakang maapektuhan ng tagtuyot.
Samantala, unti- unti na umanong hihina ang amihan at posibleng sa kalagitnaan ng Marso ay opisyal nang ideklara ng Pagasa ang panahon ng tag- init.
