Kinumpirma ng komedyante na si Long Mejia na nag-walk out sa set ng “John En Ellen”, ang aktres na si Ellen Adarna sa huling araw ng lock-in taping nito noong June 25 sa Laiya, Batangas.
Taliwas ito sa mga naunang pahayag na inilabas ng manager ni Ellen na si Daniel Calixto, fiancée na si Derek Ramsay, at ng katambal ng aktres at producer ng sitcom na si John Estrada.
Bukod kay Long, ay pare-parehong itinanggi ng mga nasabing personalidad na nag-walk out ang aktres mula sa kanilang taping.
Ayon kay Long, marami na siyang nakatrabahong malalaking artista at mas may pangalan pa kaysa kay Ellen tulad nina Comedy King Dolphy, dating Miss Universe Gloria Diaz, at multi-awarded actor Eddie Garcia.

Pero sinabi ni Long, na sa loob ng 25-taon niya sa industriya, ay ngayon lang siya nagkaroon ng katrabaho na nagpamalas ng “unprofessionalism” at kawalan ng malasakit sa mga kasamahan sa programa.
Iginiit ni Long na mali ang ginawa ni Ellen dahil umalis ito sa gitna ng eksena.
Aniya, nagsabi lang ang aktres ng “bye!” sa nadaanan niyang production staff nang umalis ito sa kanilang set.
Ipinunto ni Long na tila laging nagmamadali si Ellen umalis ng kanilang taping mara makita ang fiancée nito na si Derek.
Gayunman, noong nasabing araw ng walk-out ay kasa-kasama naman ni Ellen si Derek, at dahil pareho silang artista ay inasahan niya na mauunawaan ng celebrity couple na kailangan matapos ang eksena bago sila umalis lalo na at bayad na ang aktres.
Una nang sinabi ni Estrada at ng kampo ni Ellen, na hanggang season one lang ang usapan nila, ngunit napapayag ng production ang aktres na sumama hanggang season 2.
Kinumpirma rin nila na hindi na babalik si Ellen para sa season 3 ng programa.