CAMARINES NORTE- Pormal nang inilunsad nitong Huwebes, October 6, ang Education Manpower Development Technical Vocational Skills Training Program sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Naisakatuparan ito sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng LGU na kinakatawan ni Mayor Alexander Pajarillo at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na kinakatawan naman ni Provincial Director Eduardo Bonagua.
Mayroong dalawang training courses na inilunsad, ito ay ang Bread and Pastry Production at Basic Driving with Trouble Shooting.
Sagot ng LGU ang mga gagamiting sangkap at materyales sa buong panahon ng pagsasanay.
Isang buwan ang itatagal ng pagsasanay sa Bread and pastry production at labing limang araw naman sa Basic Driving with Trouble Shooting.
Ang mga magtatapos ng training ay may tsansang tumanggap ng NCII mula sa TESDA.
Layunin ng programa na palakasin ang kakayanan ng mga Mercedenos upang madagdagan ang kaalaman at opurtunidad na magkaroon ng extra income o trabaho.
Umaasa ang LGU na malaki ang maitutulong ng nasabing training para magkaroon ng hanapbuhay ang mga Mercedenos na malaking tulong sa pangangailangan ng kanilang pamilya.
Mainam din umanong magkaroon ng negosyo o trabaho ang makapagtatapos sa mga nabanggit na kurso.
(Photo Courtesy: Coun. Colen Ibasco)
