Ipinaalala ni House Committee on Ways and Means Chairman at Albay Representative Joey Salceda sa gobyerno na kailangang palakasin ang suporta sa domestic sector sa kabila ng desisyon na tapyasan ang tariff rates sa imported na bigas.
Ayon kay Salceda, dapat na bilisan ang mga hakbang ng pamahalaan sa paghahatid ng tulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF.
Lumobo na aniya ang koleksyon para sa RCEF sa tatlumpung bilyong piso kada taon.
Iginiit din ni Salceda na naisulong na ng Kamara sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez ang amiyenda sa Rice Tariffication Law upang gawing mas “responsive” ang RCEF sa pangangailangan ng lokal na sektor.
Ibabalik nito ang kapangyarihan at mandato ng National Food Authority na gawing abot-kaya ang presyo ng bigas at accessible sa mahihirap.
Samantala, kumbinsido naman ang kongresista na tama ang naging pasya ni Pangulong Bongbong Marcos at magandang senyales ang tariff reduction tungo sa price stability.
Napapanahon umano ang forward policy guidance lalo’t nananatiling pinakamalaking “driver” ng inflation ang bigas.