NAGA CITY- Tulad ng inaasahan sinabayan ng kilos protesta ng mga progresibong grupo ang huli o ang ika-anim na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa Naga City, nag ipon sa mga Mass Action Centers tulad ng sa may Rotonda at nag martsa patungong Plaza Rizal ang mga miyembro ng mga progresibong grupo mula sa iba’t-ibang sektor tulad ng mga magsasaka, nasa transportasyon, kabataan, kababaihan mula sa lungsod at sa lalawigan ng Camarines Sur at iba pa bitbit ang kanilang mga panawagan sa pamahalahaan lalo na kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa gitna ng plaza, sinunog ang Duterte- Tuko Effigy , ito raw ang simbulo ng tila pagiging kapit-tuko ng Pangulo.
Inihayag sa Brigada News FM Naga ni Khryss Arañas, Regional Vice Chairperson ng Anakbayan sa Bicol, ibinase ito nila sa mga pahayag ng punong ehekutibo na nais pang kumandidato bilang pangalawang pangulo para sa immunity sa mga kaso.
Para kina Arañas, kung may hihilingin sila sa natitirang isang taon sa paninilbihan ay harapin ni Duterte ang mga kasong naghihintay sa kanya lalo pa ang mga paglabag umano sa karapatang pantao.
Tema ng SONA 2021 ang Pamana ng Pagbabago (Legacy of Change). Sa record ng pamahalaan, maraming nagawa ang administrasyon sa usaping kalsada, imprastraktura , agrikultura , pagbaba ng bilang ng krimen , mga programa sa kalusugan at ilan pa.