CAMARINES NORTE- Napabilang ang dalawang pribadong eskwelahan sa lalawigan ng Camarines Norte sa walong higher education institutions (HEIs) sa Bicol Region na inaprobahan ng Commission on Higher Education (CHED) na magsagawa ng limited face to face classes para sa School Year 2021- 2022.
Ito ang inanunsiyo ng CHED Regional Office 5 noong Linggo, July 25, 2021.
Ito ay ang Mabini Colleges na pinayagan ang limited face to face classes para sa mga estudyanteng kumukuha o kukuha ng BS Nursing at Diploma in Midwifery.
Ang isa pa ay ang Our Lady of Lourdes College Foundation na pinayagan ang limited face to face classes para sa BS Nursing, BS Medical Technology at Diploma in Midwifery.
Matatandaang unang inanunsiyo ng CHED noong Mayo na aprubado nito ang limited face to face classes para sa medical and allied health programs sa mahigit 60 HEIs sa buong bansa.
Ang pinakadahilan noon ng pagpayag para sa limited face to face classes ay upang makamtam ng mga estudyante ang tinatawag na key learning outcomes on specialized laboratory courses and hospital-based clinical clerkship/internship/practicum at magkaroon ng karagdagang manpower sa health system ng bansa.

