Pabor kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng face shield policy sakaling makapasok sa bansa ang bagong Omicron COVID-19 variant.
Pero sa ngayon umano, sinabi ni Duterte na mas maganda na maghigpit muna ang gobyerno.
Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III, na hindi maiiwasan ang pagdating ng Omicron variant kaya iminungkahi nila ang pagsusuot ng face shield sa close spaces, matataong lugar at mga close-contact setting.
Matatandaan na tinanggal ng pangulo ang mandatory ang pagsusuot ng face shield kamakailan, kasabay ng mga pag-aaral umano na wala naman itong epekto sa pagpigil ng COVID-19 transmission, maliban na lang kung i-require ng lokal na pamahalaan na nasa Alert Level 4, at tuluyang gawing mandatory sa Alert Level 5.

Samantala, muling iginiit ni Duterte na kailangang gawing mandatory ang pagpapabakuna, pero inihayag naman ng DILG na bagama’t wala pang batas para i-require ito ay maaari umanong i-pressure ng gobyerno ang mga tao na magpabakuna. //MHEL PACIA-TRINIDAD